Lungsod
“Pasok ka.” Sabi ni Ginang Banal na nakangiti habang hawak ang pintuan ng bahay na titirhan namin habang nandito kami sa Lungsod.
“Pasensya na, ito lang ang bahay na alam ko na pwede nating gamitin ng libre habang nandito tayo, yung ibang bahay kasi dito sa siyudad aabot ng isang daang ginto o higit pa.” Sabi niya nun, pagkapasok namin ay naglibot ako, nagulat agad ako ng makakita ng santo sa may pintuan, nakabitin at nakaharap sakin. Tiningnan ko ng masama si Ginang Banal kaya naman tumingin siya sakin at nagkamot saka ngiting lumapit dun sa santo saka kinuha at itinago sa kung saan.
Humugot ako ng malalim na hininga saka naglakad sa lahat ng sulok para obserbahan ang buong bahay.
Sakto lang ang laki, may isang kwarto na may malaking kama, isang maliit na kusina at isang maliit na lababo. Walang second floor at saktong laki lang ang sala. Kasya kaming lima. Bumalik si Ginang Banal pagkatapos niyang itago ang rebulto na yun. Ngumiti siya sakin saka tumingin sa tatlo.
“By the way, ano ang gusto niyong kainin? Marunong akong magluto ng madami.” Sabi niya na naging dahilan para magtinginan ang tatlo sa kanya na parang santo na bumaba mula sa langit, nag-agaw ang galit sa puso ko.
“TALAGA?” Masayang tanong ng tatlo, tumango ang ginang.
Lumayo ako sa kanila, pumasok sa kwarto at umupo sa kama. Sa pagkakataong yun ko lang naramdaman ang pagod sa buong buhay ko bilang isang tao. Hiniga ko ang katawan ko sa kama at tumingin sa kisame.
Marami na akong problema, nadagdagan pa ni Ginang Banal. Desidido siyang makauwi sa pamilya niya. Bakit, hindi ba siya pwedeng maglakad mag-isa sa gubat pabalik ng bayan? Nakaya niyang umalis ng bayan mag-isa tapos hindi niya kayang bumalik ng mag-isa. Kumplikado talaga ang mga tao.
Ipinikit ko ang aking mga mata para makapagpahinga pero agad ko rin itong idinilat nang maalala ko ang sinabi sakin ni Ginang Banal.
“May sumpa ang bayan..... at kasalanan mo kung bakit hindi ako makakauwi sa amin kahit na gusto ko nang umuwi.”
Anong sumpa meron sa bayan? Wala naman akong napapansin na kakaiba sa bayan na yun simula nang tumapak ako sa lugar na yun, halos normal lang ang lahat kaya anong sumpa ang sinasabi ni Ginang Banal?
Naalala ko rin na inulit-ulit niya ang pagbanggit ng ‘nakalimutan.’ ilang beses niyang sinabi na gusto niyang umuwi na hindi nawawala ang mga alaala niya. Ano ba ang gusto niyang iparating tungkol dun? Imposible naman na kapag lumabas ka ng bayan ay mawawala ang alaala mo dahil hanggang ngayon ay ayos pa naman ang mga alaala naming apat.
“Ang sarap humiga!” Napalingon ako sa lalaking biglang humiga sa tabi ko, si Pavel na nakapikit habang nakahiga sa tabi ko. Umupo ako at tiningnan ko siya ng masama.
“Bakit ka nandito?” Inis kong tanong kaya naman napatingin siya sakin at tumawa.
“Siguro dahil gusto kong humiga?” Sagot niya na tumatawa kaya naman tininingnan ko siya ng masama.
“Gusto kong mapag-isa kaya lumayas ka nga dito,” Sabi ko na lalo niyang ikinatawa. Tinaasan ko siya ng kilay. Anong nakakatawa?
“Isa lang ang kwarto dito kaya wala kang pagpipilian kung pupunta ako dito para humiga kahit gusto mong mapag-isa.” Sabi niya, sinamaan ko siya ng tingin pero ipinikit lang niya ulit ang mata niya.
“Aalis na lang ako,” Mahina kong sabi at akmang tatayo na sana ng bigla niyang hinawakan ang kamay ko na naging dahilan para makakita ako ng ilang imahe sa aking paningin muli bigla niya akong hinila palapit sa kanya na naging dahilan para humiga ako sa tabi niya.
Nakapikit pa rin ang mga mata niya habang yakap ako.
“Dito ka muna,” Mahina niyang sabi na naging dahilan para tumigil ako. “Ang tatlong yun kasi ang gulo-gulo, ayaw mo namang makisalamuha sa kanila.” Dagdag niya. Biglang nawala ang mga imahe sa paningin ko.
“Suot mo pa rin yung purse na binigay ko.” Sabi niya at biglang dumilat kaya naman nagtagpo ang aming mga mata, agad akong umiwas ng tingin at saka hinablot ang aking kamay mula sa kanyang pagkakahawak.
“Para bang may pagpipilian ako.” Sabi ko na lang kahit ang totoo ay isa sa pinaka-iniingatan ko ang ibinigay niya sakin. Ito kasi ang unang beses na nakatanggap ako ng regalo mula sa mga tao kaya itinago ko kahit walang masyadong silbi.
“Huwag mong aalisin yan kahit kailan.” Sabi niya kaya naman napatingin ako sa kanya, gusto ko siyang pagalitan pero pinili kong manahimik, patuloy ko siyang tinitingnan. Bakit hindi ako makaisip ng dahilan o paraan para matupad ng maayos ang misyon ko?
“Naisip mo na bang gumawa ng masamang bagay sa buhay mo?” Bigla kong tanong, patuloy siyang nakatingin sakin at mahinang tumawa.
“Hindi pa.” Sabi niya saka ipinikit ang mata. “Bakit, gusto mo bang gumawa ako ng masama?” Oo, yun ang gusto kong isagot sa kanya. Pero hindi ko sinagot ang tanong niya, pinanood ko lang siya habang nakapikit siya “Sabihin mo lang kung gusto mong gumawa ako ng masama para sayo.” Sabi niya saka biglang hinawakan ang kaliwang kamay ko na naging dahilan para makita ko na naman ang mga imahe na lagi kong nakikita tuwing nagkakadikit ang aming balat.
“Kilala mo ba ang isang babaeng nagngangalang Karma?” Bigla kong tanong, idinilat niya ang mata niya at tumingin sakin.
“Karma? Hindi, ngayon ko lang narinig ang pangalang yan.” Sabi niya kaya naman natahimik ako. Halata naman na nagsasabi siya ng totoo dahil hindi ko na amoy na tumaas ang kasalanan niya.
Kung hindi niya kilala si Karma, bakit nakikita ko sa mga imahe at naririnig ko sa kanila na lagi niyang sinasabi kay Karma na mahal niya ito?
“Bakit? Ipapasok mo ba siya sa palasyo bilang yuniko?” Tanong niya, umiling ako saka inalis ang kamay ko mula sa kanyang pagkakahawak saka tumingin sa kisame at humugot ng malalim na hininga.
Matagal kaming natahimik, ramdam ko ang titig niya sakin pero binaliwala ko ito.
“Ksara.” Bigla niyang tawag kaya naman napalingon ako sa kanya, nginitian niya ako. “Yung pangako mo sakin, huwag mong sisirain ah. Please.” Seryoso niyang sabi na ikinatulala ko. Pangako? Umiwas ako ng tingin nang maalala ko kung paano kami napangako sa isa’t isa na hindi ko siya iiwan kahit anong mangyari.
“Anong iniisip mo? Hindi ako aalis.” Mahina kong sabi kahit ang totoo ay sa huli ay aalis din ako at babalik sa mundong kinabibilangan ko. Masyadong emosyonal ang mga tao, sa mga iniisip nila.
“Pakiramdam ko aalis ka.” Sabi niya kaya naman napatingin ako sa kanya. Tumawa ako at tumingin ulit sa kisame.
“Kayo talagang mga tao, tanggapin niyo na lang na may darating sa buhay niyo at sa huli ay iiwan din kayo,” Sabi ko saka humugot ng malalim na hininga. “Ang mapait na katotohanan ay dapat tanggapin, hindi lahat ng dumarating ay mananatili sa tabi mo habang buhay,” Mahina kong sabi, natahimik siya kaya naman tumingin ako sa kanya. Nakikita ko ang lungkot sa mga mata niya.
“Ibig sabihin ba nito ay iiwan mo rin ako?” Tanong niya, tinitigan ko ang mga mata niya, ramdam ko ang mga emosyon niya na sumisipsip sakin.
Oo, yun ang gusto kong isagot sa kanya.
“Hindi,” Sagot ko ng maikli at nginitian ko siya. “Huwag ka ngang magdrama,” Sabi ko at umiling habang nakahiga.
“Ksara….” Tawag niya ulit kaya naman napatingin ulit ako sa kanya.
“May… gusto akong sabihin sayo.” Sabi niya kaya naman tinaasan ko siya ng kilay habang nakatingin sa kanya.
“Gusto kong sabihin na…… Mah——”
“Kain na tayo.” Sabay kaming napatingin ni Pavel sa pintuan ng kwarto, nakatayo doon si Cynrad na walang emosyon sa mukha, umupo ako saka tumayo. Tiningnan ko ulit si Pavel.
“Ano na naman ang sasabihin mo?” Tanong ko, ngumiti siya at umupo sa kama saka umiling. “Nakalimutan ko na, kain na tayo.” Sabi niya kaya naman napagod ako at nauna nang pumunta sa kusina kung saan nagse-set ng mesa sina Bael.
“Dito ka uupo Yuniko,” Sabi ni Bael at tinuro ang isang upuan, lumapit ako at automatic na tinaasan ko ng kilay.
“Para saan ‘to?” Tanong ko nang makita ko ang pulang rosas sa tabi ng plato, pareho silang tumingin sakin.
“Ah dyan, kinuha yun ni——”
“Disenyo lang yun.” Napalingon ako sa nagsalita sa likuran ko, nakita ko si Cynrad na walang emosyon sa mukha, kinuha niya ang bulaklak mula sakin saka tinaasan ako ng kilay.
“Uupo na sana ako, ikaw na kasi, kaya ikaw na lang ang maupo.” Sabi niya ng malamig at lumapit sa basurahan saka ko siya nakita na itinapon ang bulaklak.
“Huh? Akala ko sasabihin ko kay Yuniko na siya ang——”
“Kain na tayo, nagugutom na talaga ako.” Sabi ni Ginang Banal saka umupo sa harapan ko.
Mga tao, minsan hindi ko maintindihan kung bakit nagbabago ang mood nila kanina.”