Kabanata 98
Agad akong pumunta sa tabi ni Althea para magtanong. "Althea, siya ba 'yung mabait na si Ms. Madrigal?" nagtataka kong tanong.
"Masaya lang siya dahil pumunta ka ngayong gabi," sagot niya. Para sa akin, espesyal 'yung yakap niya sa akin kanina. Para bang biglang sumaya 'yung puso ko at pareho kami ng nararamdaman.
"Hello mga ginoo at ginang, salamat sa pagdalo sa aming pagdiriwang ng anibersaryo." Tumigil ako sa pag-iisip nang magsalita si Mr. Madrigal. "Alam nating lahat na bawat araw na dumarating sa ating buhay ay isang biyaya, kaya kung lumipas ang isang taon ay nagpapasalamat tayo sa Diyos dahil binigyan niya tayo ng panibagong taon para mabuhay at maging masaya sa mundo. Ngayon, gusto kong ipaalam sa inyo na sobrang saya ko hindi lang dahil sa event na 'to kundi dahil sa isang bagay na nawala ng matagal na panahon sa amin at malapit na naming makita at makasama ulit." Dagdag niya habang nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung ano 'yung gusto nilang iparating, ang daming tanong sa isip ko.
"Ang aming anak na si Anna... Alam kong alam niyo na ang matagal na siyang wala," panimula ni Mrs. Amanda. "Pero ngayon gusto kong malaman niyo na buhay pa ang aming anak." Pagkatapos niyang bitawan 'yung salitang 'yun, nag-umpisa nang magbulungan ang mga bisita at hindi makapaniwala sa sinabi niya.
"Oh my god, buhay pa siya?"
"Ang galing naman, may tagapagmana ang Madrigal's Corporation. Swerte nila."
"Hindi ako makapaniwala, akala ko patay na siya."
Ilan lang 'yun sa mga bulungan na narinig ko mula sa ibang bisita.
"Anna... Madrigal...?" Dahan-dahan kong itinaas 'yung mata ko kay Althea at nakatingin siya sa akin. "Althea... May gusto ka bang sabihin?" tanong ko. Hindi siya nakasagot kaya alam kong may hindi siya sinasabi sa akin.
"Excuse me, pupunta muna ako sa banyo," sabi ko sa mga kasama ko sa mesa at agad na tumayo. Hindi ko man nakita, pero naramdaman kong sumunod din sa akin si Althea. Imbes na pumunta sa banyo, agad akong lumabas ng event.
Naglakad lang ako nang naglakad hanggang sa makarating ako sa isang malawak na hardin.
"Anna, teka lang, ipaliwanag ko lang!" sigaw ni Althea habang patuloy na sinusundan ako.
"Hindi ko maintindihan Althea kung ano 'yung pinagsasabi nila sa loob. Naguguluhan ako," tanong ko nang makalapit siya sa kinaroroonan ko. 'May hindi ka ba sinasabi sa akin, Althea?" dagdag ko.
"Anna... Sorry kung hindi ko sinabi agad sa 'yo..."
"Alin, Althea?"
"Si Mr. Jerson at Mrs. Amanda, sila 'yung totoo mong magulang."
Natigilan ako at parang nanigas 'yung buong katawan ko nang marinig ko 'yung mga salita niya. Para akong bingi dahil ang tanging naririnig ko lang ay 'yung malakas na tibok ng puso ko.
Sila ang tunay kong magulang? Paano? Bakit?
Hindi ko alam kung bakit tumulo na lang 'yung luha ko mula sa mata ko.
"Sila ang totoong magulang mo, Anna, maniwala ka sa akin. Hindi ko dapat sabihin 'to ngayon dahil hindi pa lumalabas 'yung resulta ng DNA test. Pero maraming nag-report na ikaw 'yung nawawala nilang anak. Ikaw si Anna Madrigal, naaalala mo pa 'yung pangalan at apelyido na nakaukit sa bracelet mo nang makita ka nila at 'yun din 'yung pangalan at apelyido mo.? 'Yung bracelet na suot ng kanilang anak na si Mrs. Amanda at Mr. Jerson matapos magkaroon ng sunog sa ospital kung saan ka pinanganak. May kumuha sa 'yo, Anna, at inilayo ka sa kanila. Mali 'yung akala mo na hindi ka mahal ng tunay mong magulang dahil sobrang lungkot nila nang mawala ka. Please, Anna, maniwala ka sa akin." Sa mga oras na 'yun hindi pa rin ako makasagot. Parang wala nang lakas 'yung katawan ko para magsalita, ang tanging kaya ko lang ay umiyak. Matagal ko nang pinangarap na makasama sila ulit, matagal ko na ring tinatanong sa sarili ko kung bakit nangyari sa akin 'to na mahiwalay ako sa kanila. Hindi ba dapat masaya ako ngayon? Bakit hindi ako tumitigil sa pag-iyak?
Dahan-dahan kong tinalikuran si Althea at mabilis na tumakbo papunta sa daan. Gusto ko munang mapag-isa. Kailangan kong mag-isip muna.